Friday, March 28, 2014

Hindi Natitinag ang Pusong Pilipino



            Maraming dahilan kung bakit kahit maraming pagsubok ang dumadaan sa buhay ng isang tao, hindi pa rin siya natitinag. Bihira ang taong madaling sumuko sa mga pagsubok ng buhay na nananatiling buháy. At bihira din ang Pilipinong madaling lumuhod sa mga hamon sa kanya. Kung magkagayon man, baka nadapa lamang siya. Tulad ng isang kandidata sa isang beauty pageant, siya ay tumatayo nang may ngiti at nagpapatuloy sa paglakad nang may poise at projection pa. Sabi nga ng ating tema ngayong taon, Hindi natitinag ang pusong Pilipino.
            Kadalasan, lalo na sa mga international arenas, ang Pilipino ay tinitingnan bilang underdog, inaasahang kulelat lalo na sa mga paligsahan. Ngunit marahil ang pagiging underdog natin ay isa sa mga dahilan kung bakit sa manlulupig di tayo pasisiil. Dahil mayroon tayong dahilan para manalo. Dahil gusto nating manalo, upang ipakita sa lahat na Pilipinas Got Talent din. Kaya namamangha sila kapag nakakalusot tayo. Kasi higit pa iyon sa inaasahan nila.
            Ang sekreto ng Pinoy: breeding. Ipinanganak na tayong ganito eh. Ayon nga sa inyong mga aralin sa heograpiya, ang Pilipinas ay isang kapuluan, napapaligiran hindi lamang ng dagat kundi pati ng mga unos na dala nito. Alam nating tayo ay madalas daanan ng mga bagyo, madalas salantahin ng mga lindol, madalas makaranas hindi lamang ng mainit na panahon kundi pati na ng mainit na ulo. Pero sige lang, sanay na naman tayo sa ganito. At dahil sanay na tayo, pinaghahandaan na natin ang mga ito. Hindi na tayo madaling magapi ng mga simpleng sakit sa ulo. Alam nating Biogesic lang ang kailangan para sa ingat na damang-dama.
            At dahil likas na sa atin ang tamaan ng mga bagyo, natututo tayong makuntento sa kung ano ang mayroon tayo. Natututunan nating mag-reduce, reuse at recycle. Natututunan nating mas masarap na sawsawan ang toyong may kalamansi kaysa sa ketchup, lalo na kung walang ketchup sa hapag-kainan. Buti nga may isda pang isasawsaw paminsan-minsan. Okey lang. Kasi tayong mga Pinoy, marunong tayong magpasalamat. At saka magaling tayong magpalusot: kahit daing lang ang ulam, basta kumpleto ang pamilya sa hapag-kainan, solb na! Palusot man o hindi, ang bawat palusot ay may katiting na katotohanan. Marunong tayong magpasalamat dahil alam nating di tayo nag-iisa. Na may pamilya tayo at kaibigang makakasama. At kahit dumating man si Yolanda at mga kapamilya niyang tatangay ng mga ito, tinatandaan nating ang kasalungat ng babâ ay taas – doon sa mataas na langit ay naroon Siyang matibay na sandalan.
            At siyempre hindi pahuhuli sa listahan ang kakayahan nating makabili at kumain ng hamón sa Noche Buena sa kabila ng mga hámong ito, ang kakayahan nating tumawa at ngumiti kahit ang ilan sa atin ay bungî. Akalain ba naman nating magiging sikat tayo, lalo na tayong mga Waraynon, dahil kay Yolanda. Ang ilan sa atin, hindi pa malilibre ng mga NGOs at ng gobyerno sa pagkain, tirahan, at pagsakay sa C-130 kung wala si Yolanda. Lahat ng mga silid ay may labasan, lahat ng mga problema ay may anggulong pwedeng tawanan. Nakalagay sa isang souvenir T-shirt sa Tacloban, The strongest typhoon hits the strongest city. Ang pinakamalakas na lungsod daw ang siyang tinatamaan ng pinakamalakas na bagyo. At kasali din tayo dito, hindi lamang ang Tacloban. Hindi tayo bibigyan ng Diyos ng mga problema kung hindi natin ito kayang tawanan. Ang pagtawa sa isang problema ay hindi nangangahulugang minamaliit at binabalewala natin ito: ibig sabihin lamang ay hindi tayo masyadong nagpapaapekto sa mga ito. Sabi nga ni Nikki Gil, nakakapangit ang bitter.
Ito ay ilan lamang sa mga dahilan kung bakit hindi natitinag ang pusong Pilipino. At sinasabi ko sa inyo, mga minamahal na mag-aaral, taglay niyo rin ang mga ito, dahil kayo ay mga Pilipino kahit pa may dugong foreigner ang ilan sa inyo. At kung hindi niyo pa napapraktis ang mga ito, simula sa araw na ito ng inyong pagtatapos, maging matatag kayo, laging magpasalamat, at tumawa sa kabila ng mga pagsubok.
            Una, maging matatag. Ayon sa isang karakter sa pelikulang 3 Idiots, Life is a race. If you don’t run fast, you’ll get trampled. Ang buhay daw ay isang takbuhan. Kung mabagal kang tumakbo, matatapakan ka. Ngunit nais kong sabihin sa inyo, mga minamahal na mag-aaral, na ang buhay ay hindi isang takbuhan. Kung ito ay isang takbuhan lamang, eh di sana nag-unahan na tayong lahat sa kabilang buhay. Sabi ng Mangangaral, Isa pang bagay na napansin ko sa daigdig: ang mabilis ay di siyang laging nananalo sa takbuhan ni ang malakas ay laging nagwawagi sa digmaan. Ang matatalino’y di laging nakasusumpong ng kanyang kailangan at di lahat ng marunong ay yumayaman. Napapansin ko rin na di lahat ng may kakayahan ay nagtatagumpay; lahat ay dinaratnan ng malas.Ang pag-aaral ay parang Pilipinas: dinadaanan ng maraming bagyo. Upang maging Ultimate Survivor ay kailangang maging matatag kayo sa bawat bagyong sumasagasa sa inyo. Sabi nga kanina, ang mabilis ay di siyang laging nananalo sa takbuhan. Sa pag-aaral, kadalasan ay Eveready battery ang kailangan para sa tibay na pangmatagalan. Hindi na baleng mabagal ang asenso, basta’t sunod-sunod ang hakbang papunta rito. Huwag sumuko agad, hindi lamang pangarap ng mga magulang mo para sa iyo ang nakataya dito, higit sa lahat ay ang mga pangarap mo. Ika nga ng isang Yiddish na salawikain, kung gusto mong matupad ang mga pangarap mo, huwag ka nang matulog. Bumangon ka, humayo, at tuparin ito, bago ka magpakarami.
            Ikalawa, magpasalamat. Dahil hindi ka nag-iisa, malamang ay pati sa mga paghihirap mo ay may magulang, kaibigan at mga guro kang kasama. Tandaan ang sabi ng isang kanta: di lang ikaw ang siyang nahihirapan. Matuto kang magpasalamat sa mga taong tumulong sa iyo sa iyong bawat hakbang. Huwag maghangad ng higit sa kaya; yaong binibigyan ng labis-labis ay sinusubok din ng labis-labis. Mga minamahal na mag-aaral, pahalagahan ang pagod na ginugugol ng iba upang kayo ay makapagtapos. Kasama rito ang mga utility men, mga tindera sa canteen, mga drayber ng traysikel at iba pang mga karaniwang tao na hindi niyo aakalain ay tumulong sa inyo upang kayo ay makaakyat sa entablado. Alalahanin na kung walang guard sa eskwelahan, walang magpapapasok sa inyo. No ID, No Entry. At sa mga nagbabalak sumuway sa patakarang ito, No Trespassing din.
            At panghuli, tumawa at ngumiti. Ayon sa isang Aprikanong salawikain, Ang hangal ay tumatawa sa kanyang sarili. Walang taong gustong maging hangal habambuhay, pero sinasabi ko sa inyo, hindi masamang maging hangal paminsan-minsan, dahil paminsan-minsan naman talaga’y tayo’y nagiging hangal. Sumasablay din tayo at pumapalpak, dahil ang Pilipino ay tao rin. Nakaka-stress kung seryosohin ang mga kapalpakan. Nakakaaliw ang mga ito kung tatawanan. Tandaang inilagay ang recess at free time sa class schedule upang paminsan-minsan ay mabuhayan tayo ng loob sa pamamagitan ng mga isnaks, pahinga, at tawa. Ngunit tandaan ding enjoy man kayo sa free time, kailangan niyo pa ring pumasok sa next period dahil kayo ay nag-aaral pa. Boring din ang buhay kapag palagi na lang free time. Mas marami ka pa ring matututunan sa class time.
            Uulitin ko, maging matatag. Magpasalamat. Humalakhak. Dahil ang buhay ay weder-weder lang. Maraming salamat at maligayang bati sa ating lahat!



No comments:

Post a Comment