Friday, August 30, 2013

Bilang pakikisama sa Buwan ng (mga) Wika


Isinulat ko ito dahil sa udyok (at utos) ni Nanay na magsulat para sa patimpalak sa Pagbigkas ng Tula sa buong Sangay ng Samar na ginanap kahapon, ika-29 ng Agosto, sa Redaja Hall, Catbalogan. Sinulat ni Nanay ang unang saknong, dinugtungan ko, at saka in-edit ni Nanay para sa kalinawan at katiyakan ng wika.

Hindi man ito ang uri ng tula na karaniwan kong isinusulat, hindi man ito gaanong konkreto [napaka-abstrak (at napaka-pulitikal) para sa akin ng temang WIKA NATIN ANG DAANG MATUWID para sa buwang ito], natutuwa pa rin ako dahil ang aming kalahok na si Mary G. Quisquisan ang siyang nagwagi ng unang gantimpala sa pagbigkas ng tula kahapon. May maipagmamalaki na naman ang Purok ng Talalora! :)
Wagi ang aming mother-daughter team ni Nanay!



WIKA NATIN ANG DAANG MATUWID

Ang wika ay napakahalaga sa buhay ng tao
Wika ang ginagamit sa pagdukal ng karunungan
Sa ating kapwa tao sa pakikipag-ugnayan
Upang maipahayag ang lungkot at tuwa
At halos lahat na nais nating ipadama.

Hindi lamang ito ang gamit ng wika
Wika rin ang ginagamit sa daang matuwid
Upang sa buhay natin kasamaa’y walang bahid
Dahil kung ito’y may bahid ng hindi mabuti
Tayo ay mabubulid din sa gawaing mali.

Kung may mga taong nagsasalitang di-tapat
Wika nila’y may panlilinlang kung paniwalaa’y di-dapat
Mga salitang ginagamit ay malalim at di maunawaan
Upang lokohin ang madlang walang kaalam-alam.

Tingnan ang mga pulitikong nakaupo sa pwesto
Na malimit manlinlang sa balanang tao
Wika nila’y wangis sa maitim na tubig sa estero
Walang ibang makita kahit na anino.

Ngunit, kung ang wika ay tulad ng malinaw na salamin
Sa bintana ng ating kamalayan
Tiyak ang ating bukambibig ay kabutihan
Dito, doon at kung saan pa man.

Kailangan lamang ang pagbabago ay magsimula sa atin
Unang hakbang ang pag-iisip ng malinaw at tapat
Iwaksi ang pag-iimbot, reklamo at pagdududa
Upang ang manatili sa atin ay tiwala sa tuwina.

Kung tayo ay ganap nang tapat
Lahat ng kabutihan ay nasa landas na tinatahak
Sa wika natin masasalamin ang katarungan at kapayapaan
Magagamit bilang sandata laban sa kahirapan

At kung magapi na ang kahirapan
Tiyak na kasunod nito’y mabilisan,
Inklusibo at sustenidong kaunlaran
Lahat ng iyan wika lamang ang kadahilanan
Maaalagaan pa natin pati kapaligiran.

Wika natin ang daang matuwid
‘Wag na tayong maghanap pa ng ibang daan
Kung gusto nating makamit ang kaunlaran
Makararating tayo saan man
Kung wikang Filipino’y gamitin, pahalagahan.

WIKA – isa, dalawa, tatlo, apat na titik lamang
Ngunit ito’y tatak ng Pilipinong pagkakakilanlan
Dapat gamiting sapagkat lahat ay Pilipino naman
At kung Pilipino, Filipino’y dapat ipaglaban!

Ako’y nangungusap sa inyo ngayon
Gamit ay payak na salita lamang
WIKA NATIN ANG DAANG MATUWID
Sana’y maunawaan ang aking nais ipahiwatig.



P.S. Maraming maraming salamat George Orwell sa iyong mga sanaysay na nagbigay ng mga ideya sa akin sa isinulat kong ito.

No comments:

Post a Comment